Pastor Edgar Caina
Tayong mga Cristiano ay inaasahan ng Diyos na lumago sa ating buhay espiritual. Hindi kalooban ng Diyos para sa isang Cristiano ang manatili lamang na sanggol sa buhay spiritual habang panahon. Nais ng Diyos na makita ang bawat anak niya na umuusad sa pananampalataya kung paano ang mga araw ng taon ay umuusad. Pansinin ang mga paghihikayat na lumago mula sa Biblia:
Gaya ng sanggol, kayo’y manabik sa gatas na espirituwal upang umunlad sa pananampalataya hanggang kamtan ang ganap na kaligtasan. (1 Pedro 2:2)
Datapuwa't magsilago kayo sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. (2 Pedro 3:18)
Gayun din naman, ang Biblia ay maka-ilang ulit na nagpahayag ng pagkadismaya dahil sa di paglago ng mga Cristiano:
Mga kapatid, hindi ko kayo makausap tulad ng ginagawa ko sa mga taong nagtataglay ng Espiritu. Kailangang kausapin ko kayo bilang mga taong namumuhay ayon sa laman, mga sanggol pa sa pananampalataya kay Cristo. 2Binigyan ko kayo ng gatas, hindi matigas na pagkain, sapagkat ito’y hindi pa ninyo kaya. At hindi pa ninyo kaya hanggang ngayon 3sapagkat nananaig pa sa inyo ang laman. Mayroon pa kayong inggitan at alitan, at iya’y nagpapakilalang makasanlibutan pa kayo at namumuhay ayon sa laman. (1 Corinto 3:1-3)
Dapat sana’y mga tagapagturo na kayo, subalit hanggang ngayo’y kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin ng salita ng Diyos. Ang dapat sana sa inyo’y matigas na pagkain, ngunit hanggang ngayon, gatas pa ang inyong kailangan. (Hebreo 5:12)
Ang isa sa mga hakbang na dapat isagawa nating mga Cristinao upang lumago sa buhay spiritual ay ang pagiging matalino o marunong sa pamumuhay. Kinakailangan ang ganitong kaispan sapagkat kung tayo’y patuloy na mamumuhay na walang praktikal na karunungan, maaaring magugol natin ang ating mga araw sa mga bagay na walang kabuluhan at ang magdurusa ay ang ating buhay spiritual. Sa Efeso 5:15,16, ganito ang utos sa atin: “Kaya’t ingatan ninyo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino, at di tulad ng mga mangmang.” Ito’y hindi isang mungkahi. Ito’y isang utos! Tayong mga Cristiano ay nararapat na mamuhay na may katalinuhan at hindi parang mangmang. At ang isang praktikal na hakbang sa pamumuhay na may katalinuhan ay ang pagiging mapagmatiyag sa mga araw na lumilipas. Sa Awit 90:12, ang panalangin ni Moises ay ganito: “Kaya ituro mo sa amin ang pagbilang ng aming mga kaarawan, upang kami ay mangagtamo sa amin ng pusong may karunungan.” Tayo ay nagiging matalino sa pamumuhay espiritual kapag ating minamatyagan ang bawat araw na lumilipas. Hindi dapat masayang ang mga araw na dumaraan na hindi tayo nakagagawa ng anumang gawaing espirtual para sa kapakanan ng ating kaluluwa at relasyon sa Diyos.
Anu-ano ba ang mga gawaing espiritual na dapat na NANGINGIBABAW sa ating buhay? Una, PAGBABASA NG BIBLIA. Ang pagbabasa ng Biblia at pag-aaral nito ay dapat na maging pinakamahalagang gawain natin sa araw-araw. Ang pagbabasa ng Biblia ay hindi tulad ng pagbabasa ng ordinaryong aklat. Ang Biblia ay dapat basahin na may PAGGALANG. Kung paano natin iginagalang ang Diyos ganun din ang maging saloobin natin sa tuwing tayo’y magbabasa ng Biblia. Ang Biblia’y kailangan ding basahin ng MATAIMTIM, ibig sabihin dapat na isaisip at isaloob ang binabasa. Sa ganitong paraan natin napapakain nang wasto an gating kaluluwa.
Pangalawa, ang PANANALANGIN. Walang Cristianong maaaring maging matagumpay sa pamumuhay espirituwal na wala ang pananalangin. Ang pakikipag-ugnayan sa Diyos ay ang tanging paraan upang tayo ay may magkaroon ng panibagong sigla. Ang kakulangan sa pananalangin ay karaniwang dahilan ng kakulangan upang epektibong makapamuhay bilang Cristiano.
At Pangatlo, ang GAWA NG ESPIRITU SANTO SA ATING BUHAY. Kung wala ang Espiritu Santo, wala ring buhay. Siya ang nagbigay buhay sa atin nang tayo ay ipanganak na muli: "Ang ipinanganak sa laman ay laman at ang ipinanganak sa Espiritu ay espiritu" (Juan 3:6). Kailangan natin ang patuloy na kapuspusan ng Espiritu Santo upang ang ating paglago ay may patnubay at guwardiyado ng Espiritu Santo. May mga taong nagbabasa ng Biblia subalit kailanman ay hindi nakamtan ang buhay na kaloob ng Diyos. May mga tao na lagiang nananalangin ngunit hindi rin nagkamit ng buhay na walang hanggan. Kung ang pagsasagawa natin ng dalawang nauna ay walang gabay at buhay ng na kaloob ng Espiritu Santo, ang paglagong espirituwal ay hindi rin makakamtan. Kailangan natin ang buhay na puspos ng Espiritu Santo sapagkat siya ang lumikha ng buhay espirituwal na nais nating luamgo.
Ang tatlong ito ang SUSI SA PAGLAGO kay Hesu-Cristo. Sa tatlong iyan nakasalalay ang tagumpay sa paglagong espirituwal. Wala ng hihigit pa para sa isang Cristiano kundi ang lumago tungo sa pagiging tulad kay Hesu-Cristo. At ang Biblia, panalangin, at ang Espiritu Santo ang susi tungo sa pagiging tulad Niya.
Friday, July 31, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment